-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nahaharap ngayon sa kasong illegal discharge of firearm ang isang policewoman na umano’y humabol at nagpaputok sa kapwa niya pulis sa national highway sa lungsod ng Koronadal.

Ito ay matapos ding disarmahan ng kanyang mga kabaro si Patrolwoman Katherine Romero Ferrer, 34, residente ng Upper Katungal, Tacurong City at naka-assign sa 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company.

Kinilala naman ni Police Lt. Joenary Castañares, hepe ng Police Community Relations ng Koronadal City PNP ang pinaputukan na si Patrolwoman Cel Grace Paguidian, 28, taga-purok 2, Barangay Miasong, Tupi, South Cotabato na kasapi ng Tupi PNP.

Ayon kay Castañares, lumabas sa imbestigasyon nila na magkasama sina PSSgt. Gary John Tindugan at Paguidian sa isang kainan sa Gensan Drive, Koronadal City at nang paalis na ang mga ito sakay ng minamanehong puting Toyota Hilux ay pinaputukan umano ito ni Ferrer ng dalawang beses dahilan upang binilisan nito ang pagpapatakbo ng kanyang sasakyan.

Sinundan pa ito ni Ferrer na nakasakay naman sa itim na Toyoto Hilux at pinaputukan ng dalawang beses na tumama sa gulong ng sasakyan ni Paguidian.

Dagdag pa ni Castañares,nangyari ang ikalawang insidente hindi kalayuan sa checkpoint ng Crossing Bo.6, Koronadal City.

Dahil sa pangyayari, hinuli ng kapwa niya pulis si Ferrer at kinostudiya sa Koronadal City PNP matapos na disarmahan.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pangyayari kung saan inaalam din kung totoo ang anggulong “selos” na pinag-ugatan ng away sa pagitan ng nabanggit na mga pulis.