Isang 47-anyos na taga-Mindanao na pulis ang panibagong nasawi ng COVID-19 kaya sumampa na sa 67 ang fatalities ng Philippine National Police (PNP).
Sa ulat na inilabas ng PNP Health Service, si Patient No. 67 na may ranggong Police Executive Master Sergeant at isang non-commissioned officer ay naka-assign sa Tagum City Police Office sa Davao del Norte.
Namatay si Patient No. 67 na wala pang bakuna noong Mayo 31.
Kasabay ng pakikiramay, tiniyak ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar na matatanggap ng mga naulila ng biktima ang kaukulang tulong at benepisyo nito mula sa pamahalaan.
Umakyat na sa 24,253 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID 19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y batay sa datos ng PNP Health Service matapos madagdagan ito ng 143 na mga bagong kaso kung saan ay nasa 1,650 ang aktibong kaso.
Nasa 236 naman ang mga bagong gumaling sa sakit kaya’t umakyat naman na sa 22,536 ang total COVID-19 recoveries sa hanay ng pulisya.
Pinaalalahanan naman ni Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, Deputy Chief for Administration, ang mga PNP personnel pamilya na ingatan ang kalusugan.
Hinimok naman ni PNP chief, ang mga pulis na agad magpatingin at sumailalim sa swab test para makaiwas sa peligro habang libre naman aniya ang medical checkups.
Samantala, isinusulong ni PNP chief ang pagpapalakas sa kanilang PNP Health Service na siyang tumututok sa aspetong pangkalusugan ng bawat miyembro ng kanilang hanay.
Ayon kay Eleazar, maliban sa nararanasang pandemiya ng COVID-19, kinakailangan ding patatagin ang well being ng bawat pulis.
Sa katunayan, nais ni Eleazar itaas ang ranggo ng mga nasa PNP Health Service simula sa commander nito na gawing Major General upang pataasin ang kanilang morale at magkaroon ng career growth kapalit ng kanilang sakripisyo.
Giit ng PNP chief, maliban sa pagpili ng mga karapat-dapat at natatanging pulis, kailangang pakatutukan din ang kalusugang pangkaisipan at pangangatawan ng mga pulis na napapagod din dahil sa mahabang pagganap sa tungkulin ngayong nasa krisis ang bansa.