Hindi pa mawari sa ngayon ang nararamdaman ni PSSgt. Jovanie Tumamao na residente ng Brgy. San Agustin, San Nicolas, Ilocos Norte matapos makapasa sa katatapos lamang na 2023 Bar Examination.
Aminado si Atty. Tumamao na naging mahirap sa kanya na pagsabayin ang trabaho at pag-aaral kaya kinailangan niya ng mahabang pasensya, pokus at determinasyon lalo pa’t madalas itong magpuyat dahil sa pagre-review.
Emosyonal na ibinahagi at inalala ang pagkamatay ng kanyang nag-iisa at nakatatandang kapatid habang ito ay nag-aaral pa lamang at lumaki siyang walang ama dahil pumanaw ito noong siya ay labing isang buwang gulang na sanggol pa lamang.
Aniya, ito ang kanyang pangalawang beses na kumuha ng nasabing eksaminasyon ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa na makakapasa na ito sa ikalawang pagkakataon.
Sa ngayon, ipagpapatuloy niya muna ang kanyang serbisyo bilang isang pulis kung saan kasalukuyan siyang nakadestino sa Regional Mobile Force Batallion sa Ilocos Norte Police Provincial Office.
Samantala, wala pa naman siyang balak na pumasok sa law firm pero bukas ito na tanggapin ang anumang oportunidad na darating na nakalaan para sa kanya.