-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Tuluyan nang nasampahan ng 2 counts ng murder charges ang isang pulis na bumaril-patay sa dalawang magkaibigang dalaga sa loob ng isang bar sa Purok 3, Bongaitan District, sa Barangay Mangagoy, Bislig City, lalawigan ng Surigao del sur.

Nakilala ang mga biktima na sina Janeth Catarman Besa, 25-anyos, residente ng Brgy. San Vicente, at Karyl Mae Abanggan, 21-anyos, residente ng Brgy. Tumanan, parehong sakop ng Bislig City.

Ayon kay PCol. Harry Domingo, provincial director ng Surigao del Sur Police Provincial Office, isinampa ang kaso sa korte ng Bislig City laban kay Police Master Sergeant (PMSg) Kinneth Viola Cacho, 37-anyos, may asawa, residente ng Barangay Poblacion, Cateel Davao Oriental at nadestino sa Davao Oriental-Provincial Drug Enforcement Unit.

Pursigido ang pulisya na tulungan ang ka-anak ng mga biktima upang makamit ang hustisya lalo na’t nang malamang ang galit umano ng suspetsado sa isa sa mga biktima na kanyang karelasyon ay nag-udyok sa kanyang patayin ito matapos malamang tumatanggap na ito ng suitor matapos ang kanilang paghiwalay.