-- Advertisements --

Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng pagkamatay ng dating pulis na si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.

Ang dating pulis ay ang pumaslang sa mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac.

Kung maalala nakuhanan ng cellphone video ang komosyon sa pagitan ng mag-ina at Nuezca noong Disyembre 20, 2020 na naging ugat ng pagbaril ng pulis sa mag-ina.

Ayon kay Justice Undersecretary Deo Marco humingi na raw sila ng kopya ng investigation report mula sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay BuCor Spokesman Gabriel Chaclag, namatay si Nuezca dakong alas-6:44 ng gabi kahapon araw ng Martes, Nobyembre 30.

Una rito, dinala pa raw si Nuezca sa NBP hospital dakong alas-6:30 ng gabi.

Sinabi ni Chaclag na bigla na lamang umanong bumagsak si Nuezca habang naglalakad sa labas ng kanyang dormitory building sa New Bilibid Prison (NBP).

Noong Agosto, hinatulang guilty ng Tarlac Regional Trial Court (RTC) Branch 106 si Nuezca dahil sa pagpatay sa mag-ina at pinatawan ng 40 taong pagkakakulong.