-- Advertisements --

Hindi sumipot sa preliminary investigation ang pulis na iniuugnay sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon kaugnay sa reklamong kidnapping at illegal detention laban sa kaniya.

Tanging ang abogado ni PMaj. Alan De Castro na si Atty. Ferdinand Benitez ang humarap at tumanggap ng mga inihaing reklamo sa kanyang kliyente sa Batangas City Hall of Justice kahapon.

Nakatakda namang maghain ang kampo ni PMaj. De Castro ng counter affidavit.

Sa ngayon, nananatili pa rin si De Castro sa restrictive custody ng Camp Vicente Lim sa lalawigan ng Laguna.

Isasagawa naman ang susunod na pagdinig sa kaso sa Enero 9 na ng susunod na taon.

Samantala, personal namang humarap sa preliminary investigastion ang ina ng nawawalang kandidata ng Miss Grand PH 2023 na si Rose Camilon.

Sinabi nito na hindi siya nawawalan ng pag-asa na makakabalik ng buhay ang kanyang anak na huling nakita 2 buwan ng nakakalipas.

Umapela naman ang nakatatandang Camilon sa pulis na si De Castro na tumulong sa pagtunton sa kanyang anak.

Dumalo din sa prelim investigation ang 2 pang testigo na kapatid ng nawawalang beauty queen at abogado ng isa pang akusado na driver ni De Castro.