(Update) Kinumpirma ni Southern Police District (SPD) director C/Supt. Tomas Apolinario na mga active members ng Philippine National Police (PNP) ang mga nakasagupa ng kaniyang mga tauhan kaninang madaling araw sa Western Bicutan, Taguig na mga miyembro ng kidnap for ransom group (KFRG).
Sa nasabing sagupaan patay ang isang pulis na umano’y miyembro ng KFRG habang arestado ang tatlong iba pa sa isinagawang operasyon ng Southern Police District.
Una nang lumutang na limang ang naaresto pero nilinaw na ito ng SPD na tatlong lamang.
Sinasabing umigting ang sagupaan sa pagitan ng mga pulis at mga miyembro ng KFRG sa may FTI construction area na naging dahilan sa pagkasawi ng isang pulis.
Ayon kay Apolinario matagal na nilang minamanmanan ang nasabing grupo.
Modus daw ng grupo ng umakyat ng mga kabahayan na kanilang target ninanakawan at kapag bigtime ang biktima kanilang dinudukot kapalit ng ransom.
Kaagad naman nagtungo sa area sina NCRPO chief, Chief Supt. Guillermo Eleazar at SPD district director Chief Supt. Apolinario.
Samantala kasunod nang pagkakasangkot ng nasabing pulis sa katiwalian, agad iniutos ni Eleazar ang pag-relieve sa 39 na mga pulis sa PCP Station 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay General Apolinario mananatili muna sa regional holding unit ng NCRPO ang 39 na mga pulis kabilang ang commander nila habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Inihayag naman ni General Apolinario na mahigit isang taon pa lamang naka-assign ang mga suspek na pulis sa PCP 1 at may naririnig na silang mga complaints na may mga pulis na nakasibilyan ang umaakyat ng mga bahay at ninanakawan.