Pina-plantsa na ng PNP ang deployment ng mga pulis sa bawat barangays sa buong bansa na siyang magsisilbing quarantine rules supervisor.
Inatasan na ni PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task force Covid Shield Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar ang mga local police commanders na isumite ang mga pangalan ng kanilang mga tauhan na magiging “quarantine rules supervisor” (QRS) sa bawat barangay.
Sinabi ni Eleazar, tig-isang pulis sa 42,000 barangays sa buong bansa ay magkakaroon ng QRS na siyang magmamando sa mga barangay tanod sa pagpapatupad ng mga quarantine regulations.
Ayon kay Eleazar, sa pamamagitan nito ay magiging mas malaki na ang responsibilidad ng mga pinuno ng barangay sa pagtiyak na sumusunod sa quarantine regulations ang kanilang mga residente.
Ang presensya aniya ng pulis ay para siguruhin na sumusunod ang mga tao sa kanilang mga barangay tanod.
Dagdag ni Eleazar, bukod sa mga barangay tanod, ang mga City at Municipal Public Order and Safety personnel ang tutulong sa pagpapatupad ng Enforcement quarantine regulations sa mga places of convergence tulad ng mga palenke.
Siniguro ni Eleazar istriktong ipatutupad ang mga quarantine regulations sa mga barangay.