-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang pulis na nag-amok at namaril sa isang Apartelle sa Barangay Zone 3, Koronadal City na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat naman ng 2 iba pa kabilang ang sariling nobya nito.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lt. Col. Joedy Lito Guisinga, hepe ng Koronadal City Police Station, service firearm na M16 assault rifle mismo ng pulis na si Pat. Roland Lopez, 29, na residente ng Brgy.Topland Koronadal City at naka-assign sa South Cotabato 1st PMFC ang ginamit nito sa pamamaril.

Nahuli si Lopez sa Barangay Titulok, Bagumbayan, Sultan Kudarat ng Bagumbayan PNP pasado alas-2 kaninang hapon sakay ng kanyang sasakyan.

Maaalang, nasawi ang kaibigan ng nobya nitong si Chaci Canlas, nasa legal na edad, graduating student, at residente ng Isulan Sultan Kudarat habang ang mga nasugatan ay ang karelasyon nitong si Joana Saptula na residente din Isulan Sultan Kudarat at ang nobyo naman ni Canlas na si Debie John Franco, 21 anyos na taga-Purok Garcia , Brgy. Rotonda nitong lungsod.

Sa salaysay ng isang testigo sa Bombo Radyo, may mainit na argumento umano ang magkasintahang Lopez at Saptula kagabi pa lamang dahilan upang ipinablotter ng mga biktima ang suspek.

Ngunit alas-2 kaninang madaling araw ay bumalik ang suspek dala ang kanyang service firearm, binasag ang bintana ng apartelle kung saan natutulog ang mga biktima at pinaulanan ng bala.

Matinding selos naman ang tinitingnang motibo sa pamamaril ng suspek sa mga biktima.

Napag-alaman na may patong sa ulo na P100K ang suspek mula sa PNP Region 12.