-- Advertisements --

Sinibak na sa puwesto at dinisarmahan na rin ang pulis na nag-amok matapos masingitan sa isang karinderya sa San Juan City.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief P/MGen. Guillermo Eleazar, kasalukuyang iniimbestigahan na ang nasabing pulis at nakatalaga na ito ngayon sa holding and accounting unit ng NCRPO.

Sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang sangkot na pulis na nakilalang si P/SMSgt. Arnulfo Ardales.

Nag-viral sa social ang pag aamok ni Ardales matapos mainsulto nang maharangan siya ng isa pang bibili ng pagkain.

Sinigawan at pinagmumura ng pulis ang biktima.

Sinabi ni Eleazar, isasailalim sa “focused reformation, reorientation and moral enhancement” ng PNP si Ardales sa Subic, Zambales.

“Lahat naman tayo nag-iinit ng ulo pero we cannot justify kahit ano pang init ng ulo ng pinakita niya. Hindi kami mangingiming magtanggal ng pulis sa aming hanay,” pahayag ni Eleazar.