KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang pulis habang sugatan naman ang isang high value suspect sa isinagawang Anti-Illegal Drug Operation ng pinagsanib na pwersa ng Sultan kudarat Provincial Drug Enforcement Unit, PDEA at Lambayong MPS sa Barangay Poblacion Lambayong ,Sultan Kudarat Province.
Ito ang kinumpirma ni Police Col. Christopher Bermudez, provincial director ng Sultan Kudarat sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ni Col. Bermudez ang nasawing pulis na si PCMS Dominic Minaling na nakaassign sa Sultan Kudarat Drug Enforcement unit.
Ayon sa opisyal, sa nasabing operasyon, napansin diumano ng target suspect na si Morcid Samal na pulis ang kanyang katransaksyon na nagpanggap bilang posuer buyer kaya’t pinaputukan nya ito.
Agad naman na gumanti ang mga kasamahan ni Minaling na nagresulta sa palitan ng putok kung saan tinamaan din ng operating team ang suspek.
Mahigpit naman na kinundena ng pamunuan ng Sultan Kudarat Police Provincial Office ang pagkamatay ng kanilang kasamahan at ipinaabot ang lubos na pakikiramay sa naulilang pamilya ni Minaling.
Sa ngayon, ginagamot pa sa ospital ang suspek na mahaharap naman sa kasong pagpatay at paglabag sa pagbebenta ng illegal na droga.