Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Guillermo Eleazar sa Northern Police District (NPD) na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa reklamo ng pagwawala at pananakot laban kay Patrolman Angelo Mendoza Abalos.
Ang pulis ay inireklamo ng nurse at security guard ng Valenzuela City Hospital dahil sa pagwawala sa loob ng pagamutan kung saan siya dinala ng kanyang asawa dahil sa mataas na presyon ng dugo.
Nangako si Eleazar na hindi niya palalampasin ang ganitong insidente at papanagutin ang pulis sa sandaling mapatunayan na may pagkakamaling nagawa.
Hindi kukunsintihin ng PNP ang mga pulis na bastos at abusado.
Batay sa ulat na umabot kay Eleazar, pasado alas 10 ng umaga kahapon nang isugod ni Patrolman Angelo Mendoza Abalos ang kanyang asawa na si Maria Concepcion Abalos sa Valenzuela Emergency Hospital dahil inatake ito ng high blood pressure.
Sa triage area pa lang, nagmamadali na ang pulis na tila VIP na nais agad asikasuhin.
Nagmura ito at sinabihan ang nurse doon na “KUNG HAWAK KO LANG ANG BARIL KO BINARIL KO NA KAYO!”
Dahil sa takot, nagsumbong ang mga kawani ng ospital sa Barangay at himpilan ng Pulisya.
Ayon sa ospital, agad naman na nilapatan ng lunas ang asawa ng pulis.
Sa ngayon, pinagpapaliwanag na ang bagitong pulis.
Hinihikayat naman ang biktima na magsampa ng pormal na reklamo laban sa pulis.