(Update) LA UNION – Inaasahan na pagpapaliwanagin ng Baguio City Police Office ang lieutenant colonel na nahuli sa loob ng casino sa lungsod ng San Fernando, La Union.
Nabatid ng Bombo Radyo mula sa La Union Police Provincial Office, na inihain na ang kasong adiministratibo laban kay P/LtCol. Arman Gapuz, hepe ng Community Affairs Development Unit ng Baguio City Police Office, dahil sa pagsuway umano nito sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbabawal sa papasok sa mga pasugalan ang sinumang government workers.
Hindi na rin interesado ang pamunuan ng naturang casino na sampahan ng kasong kriminal ang nasabing opisyal ng pulisya.
Una rito, base sa salaysay ng isa sa mga nagresponde at hindi na nagpakilalang pulis na humuli kay Gapuz, naalarma umano ang mga empleyado ng casino dahil sa pagpunit nito ng playing cards sa tuwing natatalo ang kanyang pusta.
Nasa Baguio City Police Office na umano ngayon ang naturang opisyal matapos ipaubaya ng San Fernando City Police ang pagdinig sa kaso nito.