-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ginagamot na ngayon sa ospital ang isang pulis na nakabantay sa checkpoint sa bayan ng Polomolok, South Cotabato matapos na binangga ng isang unit ng bus.

Kinilala ang sugatang pulis na si Lt. Col. Celestino Daniel Jr. na residente ng bayan ng Norala, South Cotabato.

Ayon sa report, pinara ni Daniel ang isang unit ng Yellow Bus Line Incorporated (YBL) na may body number na 2388 sa checkpoint ngunit hindi nakahinto agad at nabangga ang nakatayong pulis.

Agad naman na tinulungan ng kanyang mga kasamahan ang opisyal at dinala sa pinakamalapit na ospital.

Magsasagawa sana ng ocular inspection ang pulis sa nabanggit na bus dahil sa kanilang natatanggap na bomb threat matapos naman ang serye ng pagsabog sa Central Mindanao.