ILOILO CITY- Ipinauubaya na lang ng Police Regional Office (PRO) VI sa prosecutor’s office ang kaso ng isang pulis na tinuturong utak sa pamamaril sa isang PDEA agent noong nakaraang Oktubre 5 sa Bacolod City.
Ito ay si Patrolman Jake Salgado, residente ng Purok 1, Magsungay, Barangay Singcang-Airport, Bacolod City, assigned bilang station guard sa Jaro Police Station mula sa kanyang mother unit na Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pol. Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng PRO VI, sinabi nito na may karapatan si Salgado sa tinatawag na due process ng batas.
Ayon kay Solis, sa ngayon walang alam ang mother unit ni Salgado kun saan ito naroroon ngunit inaasahan na babalik ito sa trabaho bilang station guard sa Jaro Police Station sa Nobyembre 1.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagtulungan sina Salgado at isa pang babae na si Jenelyn Manto, 24, residente ng Bacolod City, upang patayin ang PDEA agent na si Jason Yayola.
Sinasabing may kaugnayan ito sa drug operation noong Pebrero 2 dahil base sa alegasyon, ang drug personality na inaresto ng PDEA agent ay kaibigan ni Patrolman Salgado at kaibigan din ng boyfriend ni Manto.
Nakaligtas naman ang PDEA agent.
Napag-alaman na sinuspende sa serbisyo si Salgado at epektibo hanggang sa Oktubre 31 dahil sa less grave neglect of duty.
May kinakaharap din itong kaso na frustrated murder dahil sa pagbaril sa nasabing PDEA agent.