LA UNION – Hindi umano kukunsintihin ng kapulisan ang ginawa ng kanilang kabaro sa pagpatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Ito ang naging pahayag ni PLt. Col. Noriel Bautista Rombaoa, Chief of Police ng Paniqui Police Station sa panayam ng Bombo Radyo La Union.
Ayon kay PLt. Rombaoa, nakakasakit rin sa damdamin ang ginawa ni Police Master Seargent Jonel Nuezca kung saan nadadamay ang mga pulis na walang kasalanan.
Samantala, tinitiyak naman nito na magiging patas ang kanilang imbestigasyon at walang white wash na mangyayari.
Kung maalala, tinungo ni Nuezca ang bahay ng mga biktima na sina Sonya Gregorio, 52 at Frank Anthony Gregorio, 25, dahil umano sa pagpapaputok ng boga ng huli.
Bagama’t may mga pumagitna para umawat sa kanila ngunit hindi ito naging madali kung saan naungkat rin ang dating alitan ng mga ito tungkol sa away sa lupa at dito na nangyari ang malagim na pamamaril.