KALIBO, Aklan — Nasa kustodiya ngayon ng Aklan Police Provincial Office ang sumukong pulis na namaril sa apat na kalalakihan na ikinasugat ng dalawa sa Kalibo-Numancia sa Barangay Bulwang, Numancia, Aklan.
Ayon kay P/Capt. Condrado Espino Jr., hepe ng Numancia Municipal Police Station, sumuko sa kanilang himpilan ang hindi pinangalanang pulis na may ranggong Police Chief Master Sergeant at nakatalaga sa APPO.
Salaysay umano ng suspek na habang papauwi sakay ng kanyang motorsiklo mula sa bayan ng Kalibo ay nadaanan niya ang apat na biktima na mistulang nag-aaway sa gitna ng kalsada.
Huminto umano ito upang alaman ang nangyayari, ngunit agad siyang nilapitan ng dalawa sa mga ito at akmang aatakehin dahilan na pinaputukan niya ang mga ito at tinamaan sa kanilang paa at hita.
Depensa naman ng mga biktima na inakala nilang nasiraan ng motorsiklo ang suspek kaya’t tinangka nilang tulungan, subalit hindi pa man gaanong nakakalapit ay nagulat sila ng biglang nagpaputok ang pulis.
Anim na basyo ng caliber 9mm na baril ang narekober sa crime scene.
Sa kabila ng inihaing affidavit of non-interest to file a case ng mga biktimang sina Reniel Cordova at Warren Villanueva, kapwa nasa legal na edad at residente ng nasabing lugar ay mahaharap pa rin sa reklamong administratibo ang pulis.
Sa kasalukuyan ay hinihintay pa ang resulta ng isinagawang cross matching at ballistics examination.