DAVAO CITY – Sinampahan na ng kaso ang isang police official na nameke ng kanyang RT-PCR test result nang dumating ito sa Davao mula sa Maynila.
Sinasabing maliban sa isasampang kaso, posible rin na maaalis sa puwesto ang pulis na nakilalang si PLt. Joy Line Cumbao, isang forensic officer na nadestino sa Philippine National Police Crime Laboratory Region-11.
Sa isinagawang imbestigasyon, nang dumating sa Davao International Airport ang pulis, sumailalim ito sa inspeksyon at napag-alaman na peke pala ang RT-PCR nito.
Kinumpirma rin ni PNP Crime Lab 11 director Brig. Gen. Steve Ludan, falsified ang ginamit ng suspek dahilan kaya mahaharap ito sa kasong administratibo, grave misconduct at grave dishonesty at kung mapapatunayan, posibleng maaalis ito sa serbisyo.
Ayon naman kay City Tourism Officer Generose Tecson, malinaw na nanloko lamang ang police official matapos nilang malaman na may problema sa server ng Camp Crame at hindi ito makapagsagawa ng COVID test.
Una nang sinabi ni Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na hindi na kailangan gumawa ng mga pekeng RT-PCR test lalo na at libre naman itong ginagawa pagdating sa Davao airport.