-- Advertisements --

Itinuloy pa rin ni PCapt. Mann Eric Felipe mula sa Quezon City Police District ang pagsasampa ng kaso laban kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group Strike Force (SOG-SF) Head Gabriel Go ngayong araw sa tanggapan ng Quezon City Prosecutor’s Office.

Dumating ang pulis sa prosecutor’s office para isumite ang mga kasong isasampa nito laban kay Go na may kinalaman sa data privacy act bunsod ng pamamahiya nito sa isa sa mga vlogs na pinost sa social media.

Matatandaan kasi na nakita sa vlog na pinapangaralan ni Go si PCapt. Felipe sa harap ng ilan pang pulis at ilang personel ng MMDA habang ikinakasa ang clearing operations ng ahensya.

Nauna nang nagpahayag ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa pamamagitan ni NAPOLCOM Commissioner Atty. Rafael Calinisan na hindi na magsasampa ng kahit anong kaso ang kanilang tanggapan laban kay Go.

Sa kabilang banda, nanindigan din ang komisyon na mayroong karapatan si Felipe na magsampa ng kahit anong kaso laban sa MMDA official kung saan ay tiniyak niya na susuportahan nito ang magiging desisyon ni Felipe.

Sa kabilang banda, hindi rin naman niya aniya masisisi ni Felipe sa kaniyang desisyon na ituloy ang pagsasampa ng kaso dahil sadyang libelous umano ang naging pagpapakita ng mukha ng pulis sa vlog nang wala man lang anjyang permiso nito.

Samantala, sa naging pagbisita at courtesy call ni Go sa NAPOLCOM ay tiniyak niyang haharapin niya ng buong loob ang kaso na isasampa ni Felipe laban sa kaniya.

Tiniyak rin na ang mga pangyayaring ito ay hindi isang personal na atake sa parehong panig at siniguro na magpapatuloy ang mabuting ugnayan ng MMDA at ng pulisya sa kabila ng naging inisdente.