BUTUAN CITY – Kinikilalang bayani ang isang pulis na namatay matapos sumabog ang dalang granada ng nag-amok na lolo sa loob ng college campus sa bayan ng Initao, Misamis Oriental.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Daisy Joe Bagares Halibas, isang residenteng na saksi sa naturang insidente at nakakuha pa ng video sa pangyayari, nawalan sila ng mabuting pulis sa pagkamatay ni Master Sergeant Jason Magno, na syang palaging rumiresponde sa mga kaguluhan sa kanilang lugar.
Inihayag pa nito na isang Maranao ang suspek na nag-amok matapos na hindi ni-release ng mga personahe ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nahuling dalawa niyang truck na may kargang mga kahoy.
Tinanggalan na umano ng pin ang nasabing granada pero doon pa lamang sa DENR office at dahil katabi lamang ang Initao College kung kaya’t doon na ito sa gymnasium nag-amok.
Kaagad na nakaresponde si Master Sergeant Magno at isa niyang kasamahan habang isang criminology ang nag-judo sa suspek dahilan kaya nabitawan nito ang granada na mabilis namang kinuha ni Magno upang itapon sana ngunit sumabog habang hawak pa ng pulis dahilan ng agaran niyang pagkamatay.
Dito na rin pinagbabaril naman ng kasamahang pulis ang nasabing suspek habang isinugod naman sa ospital ang dalawang mag-aaral na nadamay sa insidente.