-- Advertisements --

DAVAO CITY – Sasampahan na ng kaso ang isang pulis na nahuli sa isinagawang buy bust operation at nasasangkot sa sex for drug scheme.

Nakilala ang suspek na si Corporal Andy Gibb Jaum Luna alyas Vince, 36, residente ng Tahimik Avenue, Matina sa lungsod at nadestino sa Davao del Sur.

Nahuli ang suspek sa isinagawang anti-drug buy bust operation sa Ecoland sa lungsod kahapon.

Sa imbestigasyon ng otoridad lumalabas na isang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nadestino sa 1105th Maneuver Company sa Kapatagan, Davao del Sur kung saan nahuli ito sa isinagawang operasyon ng mga miyembro ng Talomo Police Station sa Oh George Drive Inn, Ecoland nitong lungsod.

Nabatid na nasa Top 5 regional level drug watch list ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek kung saan narekober sa kanyang posisyon ang mga pakete ng illegal na droga na nagkakahalaga ng P15,000, buy-bust money, cellular phone, at P450 cash.

Sinasabing nasasangkot rin umano si Luna sa sex for drug scheme.

Nakakulong na ngayon ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.