Tinanggal na sa puwesto ang pulis na umano’y protektor ng tupada o iligal na sabungan sa Barangay Old Capitol Site sa Quezon City.
Mismong si Quezon City Police District director (QCPD) C/Supt. Guillermo Eleazar ang nag-utos sa pagsibak sa pulis na protektor umano ng naturang tupada.
Ayon kay Eleazar, bukod kay SPO1 Jefer Sy Butawan, inalis din sa puwesto ang immediate supervisor nito na si P/Insp. Felipe Aguilon Tumibay ng Station Investigation and Detective Management Section sa Police Community Station-9.
Sinabi ni Eleazar na mananatili muna sa kustodiya ng district headquarters support unit sa Camp Karingal ang dalawang pulis habang iniimbestigahan ang kaso.
Nakikipag-ugnayan na rin ang QCPD sa Philippine National Police (PNP) counter intelligence task force kasunod ng ikinasang operasyon laban sa dalawa pang pulis na umano’y kabilang din sa mga protektor ng tupada.
Samantala, ayon naman kay chief S/Supt. Jose Chiquito Malayo, ikinasa na nila ang operasyon kahapon matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang concerned citizen.
Aniya, may mga ebidensiya sila laban sa mga pinaghahanap na pulis.
Kasalukuyang naglunsad na sila ng manhunt operation laban sa dalawa pang pulis na kasabwat at protektor ng tupada.