Kinasuhan na ang dating Minneapolis police officer dahil sa pagpatay sa isang black American na si George Floyd.
Si Derek Chauvin, 44, ay nahaharap sa kasong third degree murder habang pinag-aaralan pa ang kasong isasampa sa tatlong kasamahan nito.
Makikita kasi sa kumalat na video si Chauvin na nakaluhod sa leeg ni Floyd kahit na ito ay nagmamakaawa na.
Sinabi ni Hennepin County Prosecutor Mike Freeman, asahan na ang mga kasong isasampa rin sa mga kasamahan ni Chauvin.
Ito na rin aniya ang pinakamabilis na paghahain ng kaso laban sa mga pulis.
Hirap namang tinanggap ng kaanak ni Floyd ang nasabing balita at sinabing “welcome but overdue” dahil mas nais daw nila ang mas seryosong kaso na “first degree murder charge” ganon din sa pagkaaresto sa mga sangkot na mga pulis.
Magugunitang dahil sa nasabing insidente ay maraming mga residente ang nagsagawa ng kilos protesta at nanunog pa ng ilang establisyemento at maging police station.
Nagbunsod naman ito upang magpatupad na rin ng curfew sa Minneapolis at sa kalapit na St. Paul.
Samantala, kumalat pa ang demonstrasyon maging sa iba pang estado.