Galit ang naramdaman ni PNP chief Gen. Debold Sinas ng makita ang viral video ng isang pulis habang binabaril ang mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Sinas nakakagalit ang ginawa ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.
Kaya ipinag-utos na raw nito sa PNP Crime Laboratory na imbestigahan ang pamamaril.
Itinuturing naman ng PNP na isolated case ang nangyaring pamamaril.
Gayunman, tiniyak ni Sinas sa pamilya ng mag-inang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio ang hustisya.
Maliban sa double murder case na isinampa laban kay Nuezca, gumugulong na rin ang kasong administratibo laban dito.
Nangako rin si Sinas na hindi magkakaroon ng white wash at magiging patas sa ginagawang imbestigasyon bagama’t malaki ang tsansang masibak sa serbisyo si Nuezca.
Dagdag pa ni Sinas, kaniyang hihintayin muna ang resulta ng gumugulong na imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Office (IAS) bago siya gumawa ng kaukulang aksyon hinggil dito.
Ibinunyag ni Sinas nasangkot na sa maraming kaso si Nuezca.
Kabilang dito ang dalawang grave misconduct na kasong homicide noong May 2019 at December 2019 na parehong nabasura dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Maliban dito, sinabi ni Sinas na nagkaroon na rin ito ng non-appearance in duty noong 2016 na nabasura.
Habang less grave misconduct naman noong 2013 ang “dropped and closed” ang kaso at less grave misconduct noong 2014 na humantong sa 30 araw na suspensyon.
Inihayag ni Sinas na nakipagpulong na rin sila sa psychiatrist at sinabing pag-aaralan ang pagkakaroon ng anger management refresher course sa mga pulis na layon nito para paalalahanan sa umiiral na maximum tolerance.
Nilinaw naman ni Sinas na pwedeng magdala ng baril ang mga pulis kahit hindi nakauniporme ang mga ito.