DAVAO CITY – Patay ang isang pulis sa kasagsagan ng training nito sa Basic Internal Security Operations Course (BISOC) sa Regional Special Training Unit 11 dahil sa heat stroke.
Kinilala ang namatay na si Patrolman Angelo Tito, 23.
Base sa report, bigla na lamang umanong nag-collapse ang nasabing police officer habang sumasailalim sa road run sa Sun City Subdivision, Brgy, Komunal, syudad ng Davao.
Agad naman itong dinala sa Metro Davao Medical And Research Center at na-diagnose ito ng heat stroke.
Nabatid na noong hindi pa nagsisimula ang nasabing pagsasanay, lahat ng mga police trainees ay sumailalim sa isang standard medical clearance bilang isang standard operating procedure.
Magsasagawa naman ng patas na imbestigasyon ang Provincial Regional Office-11 upang malaman kung may pagkukulang ba sa parte ng mga instructors, para sa posibleng pagsampa ng administrative charges.
Nagpaabot naman ng simpatya ang PRO-11 sa pamilya at mahal sa buhay ng namayapang si Patrolman Tito at ipinangakong makakatanggap ng tulong pinansyal ang pamilya ng namayapang pulis.