CAUAYAN CITY – Tinutugis na ng mga kasapi ng 86th Infantry Battalion Philippine Army at Tactical Operations Groups ng Philippine Air Force ang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) na nakasagupa ng mga pulis kaninang alas-5:00 ng madaling araw sa Barangay Burgos, San Guillermo, Isabela.
Isang platoon ng 205th Manuever Company ng Regional Mobile Force Battalion sa San Agustin, Isabela sa pangunguna ni P/Lt. Edmund Calagui, ang papunta sa Burgos, San Guillermo, Isabela, nang makasagupa nila ang mga hindi pa batid na bilang ng NPA.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Lt. George Dayag, deputy chief of police ng San Guillermo Police Station, na dinala sa Rural Health Unit sa San Guillermo ang dalawang nasugatang pulis.
Hindi pa pinangalanan ng Philippine National Police ang mga nasawi at nasugatan dahil kailangan pang ipabatid sa kanilang mga pamilya ang nangyari sa kanila.
Ayon kay Dayag, nakipag-ugnayan sila sa Philippine Army para sa pagtugis sa mga rebelde na kumikilos sa nasabing lugar.