-- Advertisements --

Patay ang isang pulis habang tatlong iba pa ang sugatan matapos tambangan ng mga armadong rebeldeng New Peoples Army (NPA) kahapon sa may Barangay San Isidro, Jovellar, probinsiya ng Albay.


Patuloy ngayon ang ginagawang pagtugis ng PNP laban sa mga miyembro ng NPA na nasa likod sa pagpatay sa isa nilang kabaro.

Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac, ang nasawi at mga sugatang pulis ay mga miyembro ng 1st Albay Provincial Mobile Force Company na nagsasagawa ng major internal security operations ng paulanan ng bala ng mga armadong rebelde.

Nakapag retaliate ang mga pulis sa mga nanambang na NPA rebels kung saan umigting ang 15 minutong sagupaan.

Nakilala ang nasawing pulis na si Patrolman Emerson Belmonte habang ang tatlong sugatan ay sina PCpl. Marlon Beltran, Pat. Roy Resurreccion at Pat John Mark Paz na kasalukuyang ginagamot na sa hospital at nasa stable na kondisyon.

Nagpa-abot naman ng pakikiramay si PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa pamilya ni Pat. Belmonte.

Pinatitiyak ni Gamboa kay PRO-5 regional police director BGen. Anthony Alcañeses na mabigyan ng financial and medical assistance ang nasawi at sugatang pulis.

Nasa P250,000 mula sa President’s Social Fund; aabot sa P180,000 na Special Financial Assistance mula sa PNP; burial benefits na P50,000 at P200,000 na gratuity mula sa National Police Commission.