CENTRAL MINDANAO – Patay on the spot ang isang pulis nang aksidenteng maputukan ng kanyang baril sa loob ng kanilang himpilan sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Staff Sergeant Romlan Untong Sampiano, police investigator ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon kay Datu Odin Sinsuat Chief of police Major Rommel Dela Vega na nakarinig na lamang sila ng isang putok ng baril sa loob ng investigation section ng DOS MPS.
Nang usisahin ito ng mga police on duty tumambad sa kanila ang duguang biktima na may tama ng bala sa kanang mukha at hawak-hawak pa nito ang kanyang Glock 9mm pistol.
Agad binawian ng buhay si Sampiano at hindi na ito naisugod ng pagamutan.
Sinasabing mabait na pulis si Sampiano at palakaibigan kaya hindi naniniwala ang kanyang pamilya na ito ay nagbaril sa sarili.
Sa ngayon ay dalawang anggulo ang iniimbestigahan ng DOS PNP, una posibleng aksidenteng pumutok ang baril ni Sampiano o kaya nagbaril ito o nagpakamatay.