-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Nueva Vizcaya Police Office (NVPPO) na mabibigyan ng maayos na disposisyon ang pagkasawi ng isang pulis na aksidenteng nabaril ng kaniyang kapwa pulis sa 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, Barangay Sta. Maria, Dupax Del Sur sa Nueva Vizcaya

Ang aksidenteng nabaril-patay ay si Patrolman James Canceran, 32, may-asawa, kasapi ng 2nd NVPMFC at residente ng Sta. Maria, Isabela habang ang aksidenteng nakabaril ay si Patrolman Joshua Cebo, 24, binata, ng 2nd NVPMFC at residente ng Tumauini, Isabela

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Ranser Evasco ang Provincial Director ng NVPPO, sinabi niya na bago mangyari ang insidente ay nasa loob ng Dupax Del Sur Police Station barracks ang dalawang pulis.

Aniya, habang naghahanda ang biktima para sa kanyang duty ay nakaupo naman ang suspek sa kama nito malapit sa biktima.

Kinukuha ni Patrolman Cebo ang kaniyang issued 9mm short firearm sa kanyang bag nang aksidente niyang nakalabit ang gatilyo ng baril at natamaan si Patrolman Canceran.

Nadala pa sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa tiyan na tumagos sa kanyang leeg.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng NVPPO ang suspek upang isailalim sa paraffin test

Isinailalim sa drug test ang pinaghihinalaang pulis at negatibo naman ang kinalabasan.

Ang dalawang pulis ay magka-buddy at magkaibigan pa.

Nakatakdang ma-inquest ang suspek ngayong araw.