-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Patay ang isang pulis matapos na tambangan at pagbabarilin ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang tahanan sa Barangay Homapon, Legazpi City.

Kinilala ang biktima na si Police SSG Abel Sevilla na naka-destino sa Legazpi City Police Station.

Papasok na sa kanyang trabaho ang pulis lulan ng motorsiklo ng bigla na lang itong paulanan ng bala ng mga armadong suspek halos 300 metro lang ang layo mula sa kanilang tahanan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa kapitan ng barangay na si Kapitan Benjur Ariola, kilalang mabait at matulungin sa kanilang barangay ang biktima kung kaya hindi ito maisip kung sino ang posibleng responsable sa krimen.

Nakikipagtulungan na ngayon ang barangay sa pag-iimbestiga ng PNP sa mga kuha ng CCTV at posibleng nakakita sa insidente upang mapabilis ang paghahanap sa mga suspek.

Samantala plano ng kapitan na maglagay ng dagdag na mga CCTV camera habang mas hinigpitan pa seguridad sa barangay upang maiwasan na ang kaparehong insidente.