-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patuloy ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng San Pedro PNP patungkol sa insidente kung saan nabaril umano ng isang police officer ang kanyang sarili habang nasa duty na siyang dahilan ng kanyang kamatayan.

Nangyari ang insidente sa loob mismo ng San Pedro PNP pasado alas-sais kagabi habang nasa duty ang biktima na si Staff Sergeant Renante Dapa Mercado, isang desk officer.

Sinasabing bigla na lamang umanong narinig ang putok ng armas sa loob ng istasyon dahilan na agad rumesponde ang kasamahan ng biktima.

Nakitang nakabulagta ang nasabing police officer dahilan na agad itong isinugod sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

Sinasabing nagtamo ng isang tama sa kanyang ulo si Mercado.

Nagpahayag naman ng kanilang kalungkutan ang city director at mga personahe ng Davao City Police Office (DCPO) sa pagkamatay ng kanilang kasamahan.

Nagpalabas na rin ng direktiba si Police Brig. Gen. Felmore Escobal, regional director ng Police Regional Office (PRO-11) sa mga hepe, administrative at Resource Management Unit na magsagawa ng Refresher Course sa Gun Safety and Responsible Gun Ownership Seminar sa ilang mga personahe ng kapulisan at maabisuhan ang kanilang mga natutunan sa kanilang mga police station.

Magsisilbi rin itong review kung papaano ang tamang paghawak ng kanilang service firearm para maiwasan ang nasabing insidente.