DAVAO CITY – Isinailalim na sa otopsiya ang bangkay ng isang pulis na nakilalang si Patrolman Pat Nonie Lad Badbadon na sinasabing nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang ulo gamit ang kanyang service firearm.
Nakita na lamang na wala ng buhay si Badbadon sa loob ng kanyang kuwarto sa quarter ng 1st Davao Oriental Police Mobile Force Company (DOPMFC) sa Barangay San Ignacio, Manay, Davao Oriental na naliligo na sa sariling dugo.
Sa huling imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Manay Municipal Police Station, posibleng nagpakamatay ang biktima dahil wala silang nakitang foul play sa krimen.
Una ng sinabi ng kamag-anak ng biktima na hindi sila naniniwalang nagpakamatay si Badbadon dahil wala umano itong problema, walang girlfriend at mahilig magbasa ng bibliya.
Plano rin umano ng biktima na maging isang pastor dahilan na hindi sila makapaniwala sa sinapit nito.
Sinasabing hawak pa ng biktima ang .9mm na armas na kanyang ginamit sa pagpapakamatay.
Ayon pa kay Police Major Regalado, isang tama lamang sa ulo ang ikinasawi ni Badbadon.
Napag-alaman din sa opisyal na una ng nadestino sa Sta. Ana Police station sa lungsod ang biktima bago pa man ito nilipat sa kampo ng 1st DOPMFC, sa ilalim ng Manay Municipal Police Station.