NAGA CITY – Patay ang isang pulis matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng kalsada sa New San Roque, Pili, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Senior Master Sergeant Philip Nachor, tagapagsalita ng Pili-PNP, sinabi nitong posibleng mula sa Ragay, Camarines Sur ang biktimang si Patrolman Mark Glen Tangente at pabalik na sana sa Camp Semeon Ola sa lungsod ng Legazpi kung saan ito naka-assign.
Ngunit umagaw aniya ng minamanehong motorsiklo ni Tangente ang linya ng kasalubong na truck na nauwi sa banggaan ng dalawang sasakyan.
Nagtamo ng malalang tama sa ulo at katawan ang pulis na nagin dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Maaalala na nitong mga nakaraang araw lamang ng isang pulis rin ang binawian ng buhay matapos makabangga ang minamanehong motorsiklo sa bakod ng isang pribadong paaralan sa Tigaon, Camarines Sur.