-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang pulis sa pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Patrolman Mark Iris Tendero, 23, binata, nakatalaga sa PNP-Bangsamoro Autonomous Region (BAR) at residente ng Barangay Baguer, Libungan, North Cotabato.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial director Colonel Donald Madamba, lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo sa Barangay Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao nang bigla itong dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.

Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Grupo umano ng liquidation squad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek ng mga otoridad sa pamamaril sa biktima.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Maguindanao PNP sa pamamaril-patay sa binatang pulis.