-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Iniimbestigahan na ngayon ang nangyaring pag-aaway ng isang fish vendor at isang pulis sa Breakwater, Brgy. 27-Victory Village, Legazpi City.

Nauwi ang insidente sa pagkamatay ni Hermel Atos, 50, habang sugatan naman si PSMS Ervin Dalde, 45, nakadestino sa Albay Police Provincial Office sa Ligao City at pawang residente ng naturang lugar.

Ayon sa report ng Albay Police Provincial Office, nakatanggap ng tawag ang Police Community Precinct 3 ng Legazpi City PNP sa umanoy nangyaring pamamaril subalit pagdating sa lugar, naabutan na nakahiga na sa kalsada si Hermel na may tama ng bala.

Hindi na rin nailigpas pa si Hermel ng rumespondeng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nag-iihaw ng isda ang biktima at kapatid nitong si Brgy. Councilor Joselito Atos ng dumating ang pulis at nagka-initan.

Nakarinig na lang aniya ng magkakasunod na putok ng baril ang konsehal at nakitang naliligo na sa sariling dugo ang biktima.

Nabatid naman na may tama ng saksak ang pulis dahil sa insidente.