BACOLOD CITY – Ipinag-utos na ng pamunuan ng Philippine National Police ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa isang pulis na nakatalaga sa Bacolod kung saan iniwan ang bangkay nito sa bayan ng Hinigaran dito sa lalawigan ng Negros Occidental.
Ang bangkay ni Police Corporal Nestor Madelo ay natagpuan sa tabi ng daan sa Bangga Acas, Barangay Pilar, Hinigaran kahapon ng umaga.
Ito ay may sugat sa kaliwang bahagi ng mukha at ibang bahagi ng katawan na pinaniniwalaang mula sa tama ng bala.
Batay sa imbestigasyon ng Hinigaran Municipal Police Station, nagmula si Madelo sa bahay ng kanyang mga magulang sa Bantayan, Bago City nitong Sabado ng gabi kasama ang force multiplier ng Barangay Granada na si Constantino Canoy.
Ngunit pagdating ng mga ito sa Barangay Sum-ag ay nakasalubong ito ng aksidente kung saan nabangga ng kanyang carry ang isang truck ngunit hindi nalaman ng mga pulis.
Ayon sa mga nakasaksi, nag-U turn ang carry papuntang southern Negros at kahapon ng umaga, natagpuan nalang ang bangkay ng Madelo sa bayan ng Hinigaran.
Umuwi naman sa Barangay Granada ang kasama nitong si Canoy ngunit ito ay sumuko sa mga pulis kahapon.
Sa ngayon, itinuturing ng mga pulis na person of interest ang force multiplier ngunit hindi pa rin malinaw kung paano pinatay si Police Corporal Madelo dahil itinanggi rin ni Canoy na siya ang may kagagawan nito.
Si Madelo ay assigned sa Bacolod Police Station 5 ngunit off duty ito nang mangyari ang insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP spokesperson Brigadier General Roderick Augustus Alba, inabisuhan na nito ang Police Regional Office 6 na imbestigahan ng mabuti ang krimen kasabay ng pagpapaabot ng simpatya sa pamilya ng pinatay na pulis.