TUGUEGARAO CITY – Mariing itinanggi ni Police Maj. Bienvenido Reydado ang alegasyong sangkot siya sa isyu ng ‘ninja cops’ o mga pulis na nagre-recycle ng illegal drugs.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Reydado na dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Pampanga na idinadawit lamang siya ni Maj. Rodney Baloyo sa isyu ng “agaw bato scheme” dahil sa dati nitong kaso na ibinasura ng korte.
Dagdag pa ni Reydado, hindi siya konektado kay Baloyo at iginiit na hindi na ito dadalo sa ano mang pagdinig sa Senado kaugnay sa drug recycling.
Inaasahan na rin umano niya ang pagkakatanggal niya sa serbisyo sa Provincial Mobile Force Company (PMFC) Cagayan, bagamat hindi pa niya natatanggap ang relieve order.
Matatandaang naaresto si Reydado at anim nitong tauhan noong 2014 nang ni-raid ng CIDG ang kanyang bahay sa Bulacan dahil sa umanoy pagkakasangkot sa extortion sa mga Chinese drug suspects at pag-recycle o muling pagbebenta ng mga nasasamsam na shabu.
Nagresulta ang operasyon sa kumpiskasyon ng P2 milyon na hinihinalang galing sa pag-recycle ng shabu at matataas na kalibreng baril.
Nakabalik sa serbisyo si Reydado at naging floating sa Police Regional Office Region 2 hanggang itinalaga siya sa Cagayan Police Provincial Office.