-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Inihahanda na ang kasong paglabag sa Dangerous Drug Act at frustrated murder laban sa isang lalaki na dahilan ng aksidenteng pagkakabaril sa isang pulis sa buy bust operation sa Cagayan.

Sinabi ni Police Major Elpidio Zinggapan ng Gonzaga-Philippine National Police, tinangka ng suspek na si Rodolfo Solsoloy na tumakas nang malaman niya na pulis ang kanyang binentahan ng iligal na droga.

Hinabol umano ni P/Cpl. Mcnair Villarao ang suspek hanggang sa damuhan kung saan ay natumba sila at aksidenteng pumutok ang baril ng pulis at tinamaan siya sa kanyang tagiliran.

Kaagad na tinulungan siya ng kasamang pulis na si P/Cpl. Mike Sosa kaya nadakip din ang suspek.

Nakuha sa pag-iingat ni Solsoloy ang isang sachet ng umano’y shabu, drug paraphernalia, calibre .22, at maraming bala.

Sa ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan ang pulis.

Sinabi pa ni Zinggapan na bago ang pagkakahuli kay Solsoloy ay una na nilang naaresto sa buy bust operation ang nagngangalang Roel Savella.

Ikinanta raw ni Savella na ang pinagkukunan niya ng shabu ay kay Solsoloy na dahilan para ikasa ang isa pang buy bust operation.