LEGAZPI CITY – Nakatanggap ng mga papuri ang isang pulis matapos nitong tulungan ang isang babae na nagluwal ng sanggol sa isang covered court sa bayan ng Bato, Catanduanes.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Cpl. Joy Hazel Godoy na isa ring registered nurse, dalawang tanod ang nagtungo sa himpilan ng Bato PNP upang humingi ng asistensya na maidala sa ospital ang isang manganganak na ginang.
Subalit pagdating ng mga pulis sa lugar ay nailuwal na ang isang lalaking sanggol.
Kuwento nito, hindi ginalaw ng mga barangay officials ang naturang sanggol dahil naka-cord coil ito o naka-pulupot ang pusod sa katawan at mapanganib din para sa ina dahil nakakonekta pa sa placenta nito ang pusod na posibleng magdulot ng matinding pagdudugo.
Hindi naman nag-atubili si Godoy na tulungan ang sitwasyon ng sanggol at ng ina na ligtas na naitakbo sa pagamutan.
Nabatid na pumasok si Godoy sa hanay ng PNP makaraang makapagtapos ng nursing noong 2012 na nabatid na may tatlo pang mga kapatid na pawarang mga pulis din.