VIGAN CITY – Iniimbestigahan ng mga otoridad sa Candon City, Ilocos Sur ang isa sa kanilang kasamahan kasabay ng nangyaring pamamaril sa Barangay Ayudante sa nasabing siyudad matapos umano nitong tulungang makatakas ang mga suspek sa nasabing insidente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Lt. Col. Jugith del Prado, hepe ng Candon City police station, sinabi nito na inakala ng nasabing pulis na aksidente sa kalsada ang nangyari kaya ito kaagad na pumunta sa lugar kung saan naabutan pa niya ang mga suspek na nasa lugar dahil naipit ang kanilang motorsiklo sa sasakyan ng biktimang si Ramon Puzon dela Rosa, 49, residente ng Pila West, Sta. Lucia.
Hindi umano inakala ng pulis na ang mga nakasakay sa motorsiklo na kinausap nito ay siyang mga suspek sa nasabing pamamaril kaya imbes na pagtuunan nito ng pansin ang pangyayari, binantayan niya ang daloy ng trapiko sa lugar ngunit sinabihan naman umano nito na hintayin nila ang mga rerespondeng kasamahan nito ngunit bigla na lamang silang umalis nang matanggal sa pagkakaipit ang kanilang motorsiklo.
Sa panig ng pamilya ng biktima, idinidiin nilang may kasalanan ang pulis sa nasabing pamamaril dahil hinayaan niyang makaalis ang mga suspek kahit nasa mismong harapan na niya ang mga ito.
Ayon kay del Prado, nakahanda naman umanong humarap sa anumang reklamo ang nasabing pulis dahil sinabi nito na ang tanging alam niya ay aksidente sa kalsada ang nangyari.
Patungo umano sa korte ang biktima, kasama ang ama nito na si Isabelo at ang isang pinsan nito para sa pagdinig ng kaso nito na may kaugnayan sa iligal na droga nang mayroong nakamotorsiklong suspek na tumabi sa bahagi kung saan nakasakay ang biktima at bigla na lamang itong pinagbabaril na dahilan ng kaniyang kamatayan.