-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nananatili sa restrictive custody ang isang pulis matapos binaril-patay ang sariling bayaw sa Barangay Sta. Rita, Anilao, Iloilo.

Ito ay si Police Master Sergeant Rodel Rodriguez, imbestigador ng Anilao Municipal Police Station.

Ang namatay naman ay si Eduardo Demavivas Jr., 40, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Colonel Noel Aliño, director ng Iloilo Police Provincial Office, sinabi nito na nag-ugat ang insidente ng nagtalo si Demavivas, Jr. at ang ama nito na si Eduardo Demavivas, Sr.

Nang akma nang saksakin ng anak ang kanyang ama, tumakas ang ama papunta sa bahay ng pulis.

Nang lumabas ang pulis sa kanilang bahay upang rumesponde, tinangka naman itong tagain ng nakababatang Demavivas.

Dito na at binaril na lang ito ng pulis upang hindi na makapanakit pa.

Kaagad namang sumuko ang pulis sa otoridad matapos ang pangyayari.

Isasailalim naman ito parrafin test at ballistic examination ang kanyang armas.