ILOILO CITY – Ibinunyag ng High Value Target individual na naaresto sa drug buy-bust operation sa Primitivo Ledesma Ward, Pototan, Iloilo na mayroon umano siyang protektor na pulis.
Ang arestado ay si Robert Kristian Dacara, alyas RK, at No. 1 Drug Personality sa nasabing bayan.
Ang protektor naman umano nito na pulis ay may rangko na Police Staff Sergeant, naka-destino sa Pototan Municipal Police Station, at sa ngayon ay naka-assign sa Provincial Personnel Holding and Accounting Unit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Rolando Araño, spokesperson ng Iloilo Police Provincial Office, sinabi nito na tumatanggap ang nasabing pulis ng P5,000 na payola kada linggo.
Ayon kay Araño, ang nasabing pulis ay pinaniniwalaang dahilan ng pagka unsyame ng mga drug buy bust operation sa Iloilo.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon sa nasabing pulis.