CAUAYAN CITY – Alitan sa paradahan ng sasakyan ang dahilan ng sagutan ng isang sundalo at isang pulis na humantong sa kanilang suntukan at pamamaril sa Ilagan City, Isabela.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng 9mm pistol si Army Cpl. Richard Limon matapos na barilin ni P/SSgt. Glen Mark Geronimo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Lt. Col. Rafael Pagalilauan, hepe ng City of Ilagan Police Station na unang nagparada si Geronimo sa side ng Mangahan Grill bago dumating si Limon sakay ng Crosswind.
Ang kanilang sagutan ay nauwi sa suntukan at pamamaril ni Geronimo kay Limon na inilipat sa Cagayan valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Ayon kay Pagalilauan, ang pulis ay naka off duty habang ang sundalo ay sumasailalim sa training sa 5th Infantry Division Philippine Army sa Gamu, Isabela at dapat aniyang hindi lumalabas maliban kung binigyan ng pass para makalabas.
Sinabi ni Pagalilauan, nasa kustodiya ng City of Ilagan Police Station si Geronimo at kakasuhan ng frustrated homicide at aalamin nila kung nalabag niya ang Omnibus Election Code dahil umiiral pa rin ang election gun ban.