BACOLOD CITY – Nagpapagaling pa ang isang pulis sa lungsod ng Sagay, Negros Occidental matapos barilin ng kaibigan at kapwa pulis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PMaj. Antonio Benitez, hepe ng Sagay City Police Station, ang biktimang si Pat. Axel Lago ng Purok Mabinuligon, Barangay Taba-ao, Sagay City ay assigned sa isang police station sa southern Negros, habang ang suspek na si PCpl. Elvir Dela Cruz, 26-anyos ng Purok Hiliusa, Barangay Fabrica, Sagay City ang assigned sa Zamboanga.
Dahil pareho silang nakauwi sa Sagay nitong Bagong Taon, nagkasundo ang dalawa na magkita at maghapunan sa bahay ni Dela Cruz.
Habang umiinom ang dalawa matapos kumain, nagkasagutan umano ang mga ito.
Sinubukang pigilan ng mga residente ang dalawang pulis ngunit muli silang nagkasagutan hanggang nabaril ni Dela Cruz si Lago sa likod gamit ang kanyang government-issued service firearm.
Agad namang sumuko si Dela Cruz sa mga pulis.
Ayon kay Benitez, wala namang personal grudge ang dalawang pulis dahil matalik na magkaibigan ang mga ito ngunit hindi pa matukoy kung ano ang kanilang pinag-awayan.
Sa ngayon, inihahanda na ng Sagay City Police Station ang kaso laban kay Dela Cruz ngunit hinihintay pa ang desisyon ng pamilya.