BACOLOD CITY – Nasa mabuti nang kalagayan ang isang pulis sa Kabankalan City, Negros Occidental na sinaksak ng isang residente habang nasa duty kaugnay sa general community quarantine dahil sa coronavirus disease.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, ang biktima na si Staff Sergeant John Perez, 54, miyembro rin ng Kabankalan City Police Station.
Batay sa imbestigasyon, si Perez ay naka-assign sa Barangay Talubangi ng nasabing lungsod nang ito ay inatake at sinaksak ng suspek na kinilalang si Noel Bautista ng nasabing barangay gamit ang binasag na botelya ng beer.
Nasugatan sa kaliwang bahagi ng tiyan ang pulis ngunit nagawa pa nitong dis-armahan ang suspek sa tulong ng barangay tanod na si Glen Española.
Sa ngayon, kulong na sa Kabankalan City Police Station ang suspek habang nagpapagaling pa sa ospital ang pulis.