ILOILO CITY – Sinampahan na ng kaso ang pulis na namaril sa isang sibilyan na nakaalitan nito sa Brgy. Gines Viejo, Passi City.
Ang pulis ay si Police Staff Sergeant Kenn James Leyble, 35, residente ng nasabing barangay, nakadestino sa Passi City Police Station ngunit naka- detached service sa Iloilo Police Provincial Office headquarters.
Ang biktima naman ay si Johan Padernal, 41, residente rin ng nasabing barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Col. Aaron Palomo, hepe ng Passi City Police Station, sinabi nito na kasong frustrated homicide ang isinampa laban sa suspek.
Napag-alaman na nagtamo ang biktima ng sugat sa kamay at beywang na sa ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.
Maliban dito, isinailalim na rin ang pulis sa parrafin test.
Isinagawa na rin anya ang ballistic examination sa mga fired cartridge cases na na-recover sa crime scene.
Anya, alinsunod sa Republic Act No. 10591, ang nasamsam na bala ay kinakailangang maisailalim sa ballistic examination ng kaukulang ahensiya ng gobyerno para matukoy kung ito ay pasok sa kahulugan ng “ammunition”, na itinatakda ng nasabing batas.
Matandaan na sumuko rin ang suspek sa Iloilo Police Provincial Office matapos ang krimen.
Idinahilan naman nito na nandilim lang ang kanyang paningin matapos nagkasagutan sila ng biktima.
Lumabas rin sa imbestigasyon na may dati nang alitan ang biktima at suspek hanggang sa nagkrus ang kanilang landas at nangyari ang krimen.