CAUAYAN CITY – – Iginiit ni P/Brig. Gen. Angelito Casimiro, regional director ng Police Regional Office 2 (PRO2) na nagbigay na siya ng paalala sa mga pulis nang umupo siya sa puwesto.
Ito ang tugon ni Brig. Gen. Casimiro kasunod ng pagkadakip ni PMaster Sgt. Fidel Aquio Jr. sa isang sabungan sa Tuguegarao City noong November 2, 2019.
Si Aquio, 44 anyos at residente ng Annafunan West, Tuguegarao City ay nakatalaga sa Regional Logistics and Research Division ng PRO2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brig. Gen. Casimiro, sinabi niya na dadaan sa masusing pagsisiyasat na naaayon sa batas ang kaso ng nasabing pulis.
Aniya, isinasailalim na sa summary proceedings si Aquio para bigyan ng pagkakataon na ipaliwanag ang kanyang sarili.
Dagdag pa niya na nilabag ni Aquio ang PNP Ethical Standards at Memorandum Circular 17-013 PNP Internal Cleansing Strategy dahil sa pagpunta sa sabungan.
Ayon pa kay Brig. Gen Casimiro kautusan ito ni OIC PNP Chief Archie Gamboa kaya kailangang ipatupad sa lahat.
Pasensiyahan na lamang umano kung sila ay mahuhuli dahil pinaalalahanan na niya ang kaniyang mga tauhan sa region 2 sa usaping ito.
Maaari aniyang mapatawan ng suspension, demotion o dismissal si Aquio depende sa resulta ng imbestigasyon.