-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sugatan ang isang pulis nang pagbabarilin ng live-in partner ng dati niyang kasintahan sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Patrolman Chris Manuel, 30, nakatalaga sa Cotabato Police Provincial Mobile Force Company at residente ng Antipas, North Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Office (CPPO) Public Information Office (PIO) chief, Major Julie Lu Melocotones na pumunta si Manuel sa tahanan ng kanyang dating kasintahan na si Ecel Sajulga sa Brgy Ganatan, Arakan, North Cotabato para kunin ang kanilang apat na taong gulang na anak.

Nagkataon naman na nandoon ang live-in partner ni Sajulga na si Rian Amor, 30, security guard at nakatira sa Brgy Amas, Kidapawan City.

Tumanggi si Sajulga na ibigay ang bata sa ama nitong pulis kaya nagkasagutan sila at humatong sa pamamaril.

Inagaw umano ni Amor ang kalibre .45 na pistola ni Patrolman Manuel kaya nagtamo ito ng dalawang tama ng bala sa kanyang dalawang hita.

Mabilis na tumakas ang suspek habang dinala naman sa pagamutan ang biktima.

Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng Arakan PNP ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaso ngayong araw.