CENTRAL MINDANAO – Sugatan ang isang pulis kasunod sa nagyaring pamamaril dakong alas-6:25 nitong gabi ng Lunes sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Patrolman Nur Diocolano Haron, 30, binata, nakatalaga sa PIO-PRO BAR at residente ng Sitio Lugaylugay, Barangay Bagua 1, Cotabato City.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial director Colonel Donald Madamba, lulan ang biktima sa kanyang minamanehong 450cc na motorsiklo mula sa Camp SK Pindatun ng PRO-BAR at pauwi na sa kanyang tahanan.
Ngunit pagsapit ni Haron sa Barangay Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Dahil sa tama ng bala natumba ang biktima sa gilid ng kalsada at agad tinulungan ng mga sibilyan kung saan dinala ito sa pagamutan.
Tumakas naman ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.
Kinompirma naman ni Sultan Kudarat chief of police Major Julhamin Asdani, nasa ligtas na ang kalagayan si Haron habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa pamamaril ng kanilang kabaro.