KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang sa isang pulis sa Brgy. Batulawan, Pikit, Cotabato.
Kinilala ni PMaj. Maxine Peralta, Chief of Police ng Pikit PNP ang sugatang biktima na si Patrolman Santhy Ben Marcelo Buagas, 25, single at nakadestino sa 1023rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Batallion o RMFB-12.
Ayon kay Peralta, alas 9:00 nang umaga nang tinambangan ang biktima lulan ng kanyang motorsiklo patungong Fort Pikit, Cotabato upang magreport sa kanyang duty.
Nagtamo ng sugat ang biktima sa kanang bahagi ng katawan kayat sumimplang ang sinasakyang motorsiklo nito.
Agad naman na isinugod si Patrolman Buagas sa Cruzado Hospital para sa agarang medikasyon.
Habang, mabilis naman na tumakas ang mga gunman matapos ang pamamaril.
Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril sa biktima at inaalam kung may kaugnayan sa trabaho nito.
Tiniyak naman ni Police Brigadier General Alexander C Tagum, Regional Director ng Police Regional Office 12 na mananagot ang responsible sa pamamaril sa kanilang kasamahan.